“Out-of-Hospital Care Capacity,” hiniling na palawigin pa bunsod ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases

Hinimok ni Albay Representative Joey Salceda na palawigin pa ang “out-of-hospital care capacity” bunsod pa rin ng patuloy na paglobo ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Ayon kay Salceda, sa patuloy na pagbabantay ng kanyang team sa sitwasyon ng “daily COVID-19 cases”, hindi malabong humantong sa 10,000 ang kaso ng mga maiimpeksyon ng sakit sa mga susunod na araw.

Pinagbatayan umano nila rito ang kawalan ng palatandaan ng pagbagal ng “infectivity rate” o bilis ng paghawa ng sakit kaya naman hindi rin maiiwasan ang pagkapuno ng COVID centers.


Inirekomenda ni Salceda na palawigin pa ang “out-of-hospital care capacity” upang maiwasan ang pagkaparalisa ng ekonomiya.

Sa tala, ang bilang ng mga mild cases ay nananatili pa rin sa 97.5%, ibig sabihin karamihan ng mga COVID-19 cases ay maaaring gamutin sa bahay.

Hiniling ng kongresista na mag-hire ng mas maraming barangay health care workers para mapaigting pa ang pag-monitor sa mga local cases at makapagbigay ng assistance sa mga nagkakasakit sa kanilang barangay.

Umapela rin si Salceda sa national government na kumuha ng mga telemedicine facilities para palawigin ang remote care capacity.

Facebook Comments