OUTBREAK | DA, nag-isyu ng temporary ban sa pag-aangkat ng baboy sa mga bansang apektado ng ASF virus

Manila, Philippines – Nag-isyu ang Department of Agriculture (DA) ng temporary ban sa pag-aangkat ng domestic at wild pigs at mga produkto nito mula sa anim na bansa kasunod ng outbreak ng African Swine Fever (ASF).

Ang temporary ban ay partikular na ipinataw sa China, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine.

Base sa ulat na natanggap ng World Organization for Animal Health, nagkaroon na ng outbreaks ng ASF virus sa mga nabanggit na bansa na nakaapekto sa mga domestic at wild pigs.


Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, sa inilabas na kautusan, suspendido ang processing, evaluation ng mga application at issuance ng Sanitary and Phytosanitary (SPs) import clearance sa mga pork product.

Dagdag pa ng kalihim, magsasagawa rin ang mga DA Veterinary Quarantine Officers sa lahat ng major ports ng pagtigil at kumpiskasyon ng lahat ng shipments.

Kukumpiskahin din ang mga karne at produktong dala ng mga pasahero galing sa mga apektadong bansa.

Layunin nito na maiwasan ang pagpasok ng virus sa bansa at maprotektahan ang kalusugan ng publiko ang local swine population.

Samantala, magsasagawa ang DA ng pagpupulong ngayong araw kasama ang livestock industry para matiyak na may sapat na supply ngayong holiday season.

Facebook Comments