Literal na binakante ni outgoing Cebu City Mayor Tomas Osmeña ang mayor’s office bago ang pagtatapos ng kaniyang termino sa Hunyo 30.
Maski ang mga empleyado ni Osmeña ikinagulat nang makitang hinubaran ang opisina sa 8th floor ng executive building mula kisame hanggang sahig.
Tinanggal kasi ang mga salamin na divider, ang kisame, pati na tiles sa banyo at kusina–pawang semento na lang ang makikita sa opisina.
Ayon kay Bimbo Fernandez, executive assistant ni Osmeña, pagmamay-ari ng outgoing mayor lahat ng nakakabit at mga gamit sa opisina.
Mula sa sariling bulsa umano nito ang ginastos para sa renovation ng mayor’s office, matapos hindi pahintulutan ng City Council na nadomina ng oposisyon ang hiniling nitong P2 milyong budget.
Pinag-iisipan ng ng kampo ni incoming mayor Edgar Labella ang pagsasampa ng kaso kay Osmeña at kaniyang mga tauhan dahil sa umano’y pagsira sa mayor’s office.
Pinadala naman ang ilang armadong pulis sa 8th floor sa hindi sinabing dahilan.