Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Outgoing Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino bilang pinuno ng Clark International Airport Corporation (CIAC).
Mismong si Executive Secretary Salvador Medialdea ang nagkumpirma nito matapos alisin sa pwesto si Aquino sa PDEA.
Kasabay nito, nagpasalamat ang Malakanyang kay Aquino sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs.
Pumalit kay Aquino si PDEA Northern Mindanao Head Wilkins Villanueva.
Sa interview ng RMN Manila, kasabay ng pagpapasalamat sa Malakanyang, sinabi ni Incoming PDEA Chief Wilkins Villanueva na malaking hamon sa kanya ang pamunuan ang ahensya lalo na sa sitwasyon ngayon na ipinapatupad ang ‘new normal’ dahil sa COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga unang ipatutupad ni Villanueva sa PDEA ay ang pagsasa-ayos ng anti-drug data ng ahensya at PNP, maging ang pagsasagawa ng Oplan Tokhang.
Kumpiyansa naman ang Palasyo na pamumunuan ni Villanueva na may professionalism, passion at integrity ang PDEA.