
Dudulog si outgoing Senator Koko Pimentel sa Korte Suprema para kwestyunin ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na baligtarin ang naunang ruling para sa disqualification case laban kay Marikina Mayor Marcy Teodoro bilang kinatawan ng Unang Distrito ng naturang lungsod.
Ayon kay Pimentel, plano niyang iakyat sa Supreme Court ang mahalagang legal at constitutional issue na ito at subukan kung gagana ang batas ng bansa.
Mayroong limang araw si Pimentel para makapaghain ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema.
Sinabi ng mambabatas na ipinagpapasa-Diyos na lamang niya ang mga opisyal ng Comelec na nagdesisyong baligtarin ang naunang ruling.
Giit ni Pimentel, nalalaman ng Comelec na mayroon silang ginawang kakaiba sa disqualification case na niluto nila ng anim na buwan.
Naunang kinondena ni Pimentel ang desisyon ng Comelec at tinawag itong panghahamak sa ating Konstitusyon.









