Nahaharap si Outgoing Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay sa 18 taong pagkakabilanggo at diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa public office.
Ito’y matapos mahatulan ng Sandiganbayan Fourth Division ang kongresista ng tatlong bilang ng kasong graft kaugnay sa ‘mishandling’ o maling paghawak sa ₱780 million na pondo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) noong siya pa ang Chairman noong 2009.
Sa 66 na pahinang desisyon ng anti-graft court, si Pichay ay nahatulang “Guilty of Gross Inexcusable Negligence” dahil sa iregular na pagkuha sa 60% na shares o pagmamayari sa Express Savings Bank Inc. (ESBI) na aabot sa halagang ₱80 million, dagdag pa rito ang pagdeposito ng ₱300 million sa nasabing bangko at pagdaragdag ng kapital na aabot sa ₱400 million.
Kasama rin ni Pichay sa nahatulan sa parehong kaso si Deputy Administrator Wilfredo Feleo Jr.
Sinasabi pa ng korte na nagdulot ng pinsala sa pamahalaan sina Pichay at iba pang nahatulad matapos nilang balewalain ang mga requirements na hinihingi para sa pagapruba ng Office of the President (OP), Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) – Monetary Board (MB), at ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) salig na rin sa RA 8791 on General Banking Law of 2000 at Administrative Order No. 59.
Nahaharap ang mga dating LWUA officials sa 6 hanggang 10 taong pagkakakulong para sa bawat bilang ng kasong graft o katumbas ng 18 hanggang 30 taong pagkakabilanggo at “perpetual disqualification” sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Si Pichay na tumakbo para sa re-election sa pagka-kongresista ay natalo naman ni Constructions Workers Solidarity (CWS) party-list Rep. Romeo Momo Sr. bilang kinatawan ng Surigao del Sur nitong katatapos na 2022 elections.