
Hiniling ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee kay Philhealth Acting President and Officer-in-Charge Dr. Edwin Mercado na linawin ang reklamo ng mga pasyente ukol sa bigong implementasyon ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package.
Sa kanyang liham kay Mercado ay binanggit ni Lee na ang OECB package na epektibo simula Enero ngayong taon ay sumasaklaw sa mga outpatient services and commodities na ipinagkakaloob ng mga philhealth-accredited healthcare facilities sa kanilang Emergency Department at extension facilities.
Binanggit ni Lee na mga halimbawa nito ang diagnostic tests tulad ng X-ray, MRI, CT scan at iba pang essential emergency services kasama din ang mga gamot.
Binigyang diin ni Lee sa liham na nakakadismaya at hindi katanggap-tanggap na sa kabila ng opisyal na anunsyo ng Philhealth hinggil sa OECB package ay hindi naman ito naibibigay sa mga Philhealth members sa lahat ng mga ospital sa buong bansa.
Bunsod nito ay umaapela si Lee na huwag sanang magmistulang fake news ang mga serbisyong pangkalusugan at mga benepisyo na para sa mamamayang Pilipino.