Nagbigay ng babala ang isang infectious disease at tropical medicine expert na si Dr. Edsel Salvaña hinggil sa negatibong side effect ng paggamit nang hindi rehistradong gamot pantao na Ivermectin.
Sa presscon ng Malacañang, sinabi Dr. Salvaña na ginagamit talaga ang Ivermectin sa mga hayop na may bulate o parasitic disease.
Paliwanag nito nasa 3 to 15 milligrams at isang beses lamang iinumin ang naturang gamot.
Pero ang nakakabahala aniya sa mga ibinebentang Ivermectin sa merkado ay iinumin ito ng 15 milligrams at hindi lamang isang beses sa isang araw.
Ani Dr. Salvaña sa ganito kataas na dose ay maaring magkaroon ng brain damage ang isang tao at puwedeng mamatay kung ma-o-overdose.
Kahapon, kinumpirma ng Palasyo na nakapagsumite na sa Food and Drug Administration (FDA) ng application for compassionate use para sa tao ang Ivermectin at kasalukuyan pa itong ini-evaluate ng FDA.
Sa ngayon ay mabibili ang Ivermectin sa mga social media account ng ilang indibidwal at ipinamimigay pa ng ilang kongresista sa kanilang mga nasasakupan na labis namang ikinababahala ng mga eksperto dahil hindi pa proven o wala pang kongkretong ebidensya na makapagpapatunay na panlaban nga ito sa COVID-19.