Overflow Bridges sa Isabela, Lubog pa rin dahil sa Pag-uulan

Cauayan City, Isabela- Nananatiling lubog pa rin ang ilang tulay dahil sa pag-apaw ng tubig bunsod ng patuloy na pag-uulan dala ng tropical depression ‘Nika’.

Batay sa inilabas na datos ng PDRRMC Isabela, limang overflow bridges ang hindi na madaanan gaya ng  Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City, Turod-Banquero overflow bridge sa Reina Mercedes, Gucab bridge sa bayan ng Echague at mga overflow bridges ng Cabagan-Sta Maria at Cansan Cabagan- Bagutari Sto.Tomas.

Nakaposisyon na rin ang mga otoridad sa mga nasabing tulay para maabisuhan ang mga residente na magbabalak tumawid.


Ayon kay Ret. Gen Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO), pinababantayan na sa mga otoridad at opisyal ng barangay ang ilan pang overflow bridges sa Isabela na posibleng hindi madaanan sa mga susunod na oras kung magpapatuloy ang nararanasang pag-uulan.

Aniya, nakaalerto na rin ang mga rescue team na tutugon sa mga residenteng posibleng maapektuhan ng pagbaha lalo na ang mga nakatira sa kalapit na ilog o sapa na nakakaranas ng matinding pagbaha dahil na rin sa mababang lugar.

Inaalam naman ng ahensya kung may pinsala sa sektor ng agrikultura.

Facebook Comments