“Overhaul” sa sistema ng RTWPB, isinulong ng isang kongresista

Iginiit ni Kamanggagawa Partylist Rep. Elijah San Fernando ang pangangailangan na magsagawa ng “overhaul” sa sistema ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment ay pinuna ni San Fernando ang hindi makatwirang pagkakaiba-iba ng sweldo ng mga manggagawa kahit sila ay naninirahan lang sa magkakalapit na munisipalidad.

Sa obserbasyon ni San Fernando ay mukhang “municipalization” at hindi “regionalized” ang itinatakdang sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa.

Inihalimbawa ni San Fernando ang mga manggagawa sa mga katabing lugar ng Metro Manila na mas mababa ang sahod gayung wala namang pinagkaiba ang buhay nila sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Malinaw para kay San Fernando, na palpak ang sistema dahil hindi na “responsive” o nakatutugon ang RTWPB sa tunay na sitwasyon dahil hindi tugma ang pasahod sa poverty threshold.

Facebook Comments