Pinuna ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na overpriced ang ₱8,150 na binabayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa COVID-19 tests na dapat ay hanggang ₱4,000 lang.
Sa pagdinig ng Senado ay binigyang diin ni Senator Drilon na maaring mauwi sa kasong katiwalian o paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kapag nagpatuloy ang overpayment ng PhilHealth para sa COVID-19 tests.
Paliwanag ni Senator Drilon, ₱1,500 lang ang bawat test kits na binibili sa China kung saan pwedeng magpatong ang ospital o service provider ng ₱2,000 para sa manpower at iba pang gastos, at pwede ring magdagdag pa ng ₱500 para sa kita o margin of income kaya dapat ay hanggang ₱4,000 lamang ito.
Binanggit pa ni Senator Drilon na ₱3,500 lamang ang singil ng Philippine Red Cross (PRC) sa kada COVID-19 test.
Punto pa ni Drilon, sa planong isailalim sa mass testing ang dalawang milyong Pilipino ay gagastos ang gobyerno ng 16-bilyong piso sa halip na 8-bilyong piso lamang.
Ipinaliwanag naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ₱2,710 hanggang ₱8,150 ang binabayaran ng PhilHealth depende kung ito ay donasyon o binili ng ospital.
Pero hindi pumasa kay Drilon ang paliwanag ni Duque sa katwirang hindi naman tinatanong ng PhilHealth kung binili o donasyon ang mga test kit kapag nagbabayad ito para sa COVID-19 test ng PhilHealth member.