Pinapaimbestigahan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ang isyu kaugnay sa ‘overpriced’ at ‘outdated’ na laptops na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Sa Senate Resolution 120 na inihain ni Pimentel, inaatasan ang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations na silipin ang ‘overpriced’ at ‘outdated’ na laptops para sa public school teachers.
Ang nasabing biniling laptops ng PS-DBM para sa DepEd teachers ay aabot ng P2.4 billion.
Lumalabas sa Agency Procurement Request (APR) ng DepEd na P35,046.50 ang halaga ng kada unit ng laptop pero batay sa sariling market survey na ginawa ng PS-DBM, ang kada unit ng laptop na may kaparehong specifications ay aabot ng P58,300.
Bukod sa sobrang mahal na presyo ng laptop ay ‘outdated’ din ito dahil ang processor ng laptop na Intel Celeron ay napakabagal para magamit ng mga guro sa online learning.
Maliban dito, ang intended beneficiaries ng mga laptop na 68,500 na mga guro ay nabawasan pa at nasa 39,583 public school teachers na lamang.
Ipatatawag sa pagsisiyasat ng Blue Ribbon Committee ang DepEd at PS-DBM para pagpaliwanagin kung bakit ‘overpriced’ ang presyo ng laptop gayong ito ay outdated at napakabagal at nabawasan pa ang bilang ng mga makikinabang na guro.