Sa loob ng umano’y mga overpriced na ambulansya na binili ng Department of Health (DOH) ay may mga overpriced din na mga kagamitan tulad ng automated external defibrillators (AEDs), mobile phones, dashboard cameras at stretchers.
Isiniwalat ito ni Senador Ping Lacson sa pagtalakay sa panukalang badyet ng DOH para sa 2022.
Ayon kay Lacson, ang isinumiteng presyo ng DOH para sa dalawang mobile phone na may SIM cards para sa Region 4A ay nagkakahalaga ng P30,000 ngunit ang biniling cellphone ng mga lokal na unit na may katulad na specifications ay nagkakahalaga lamang ng P7,998.
Dagdag pa ni Lacson, P15,000 kada isa ang biniling dashboard cameras ng ahensya kahit na ang retail prices nito ay nagkakahalaga lamang ng P4,500 kada isa.
Binanggit ni Lacson na nagkakahalaga naman ng P23,800 kada isa ang stretchers kahit na P21,200 lamang ang tunay na presyo nito.
Bumili rin aniya ang DOH ng AEDs na nagkakahalaga ng P165,000 kada isa para sa Region 4A, kahit na ang retail price ng ganitong equipment ay nagkakahalaga lamang ng P96,500.
Sumang-ayon naman dito si DOH Secretary Francisco Duque III at sinabi na iniutos na niya sa kanyang staff na tignan ito at kailangan nila ng “brand-to-brand comparison at isusumite nila sa Senado ang magiging resulta ng kanilang pag-canvass.