Manila, Philippines – Pinarerepaso ng grupong Laban Konsyumer sa Department of Trade and Industry (DTI) ang Suggested Retail Price (SRP) na ipinapataw sa mga de-latang karne at sardinas.
Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, lumabas kasi sa kanilang pag-aaral na “overpriced” o sobrang mahal ang SRP sa mga produktong de-lata.
Sa datos ng Laban Konsyumer, umaabot na ng 15 porsiyento ang itinaas ng presyo ng mga de-lata nitong taon.
Pero depensa ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, bumaba nga ng kaunti ang gastos ng lata pero paano ang presyo ng mga produktong karne na dinadala mula sa ibang mga bansa.
Kasabay nito, kinumpirma ni Castelo, na may ilang manufacturer ng de-latang karne at sardinas ang humihirit muli ng panibagong dagdag-presyo.
Gayunman, pagtitiyak ni Castelo, pag-aaralan muna nila ito.
Nabatid na nasa P0.70 hanggang P1 ang hiling na dagdag sa kada lata ng sardinas habang P1 hanggang P1.50 naman sa kada lata ng canned meat.