Overpricing sa pagbili ng gobyerno ng COVID-19 vaccine, tiniyak na hindi mangyayari

Tiniyak ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi magkakaroon ng overpricing sa pagibili ng gobyerno ng COVID-19 vaccine dahil ang uutangin para dito ay didiretso sa pharmaceutical companies.

Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sinabi ito ni Galvez sa kanilang pulong kagabi kasama sina Senators Panfilo “Ping” Lacson, Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Sabi ni Senator Sotto, ipinakita ni Galvez sa kanila ang mga dokumento ukol sa proposed agreements sa pagbili ng bakuna kung saan may nakasaad talaga na non-disclosure agreements na itinatakda ng pharmaceutical companies.


Diin ni Sotto, nakita rin nila sa mga dokumento na “within range” o mura lang ang bakuna mula sa Chinese company na Sinovac.

Kuntento si Sotto sa mga paliwanag at mahalagang mga impormasyong ibinigay ni Galvez at ito ay ipapabatid niya sa mga kapwa senador.

Sa kabila nito ay inihayag ni Sotto na tuloy pa rin ang ikatlong pagdinig ng Senado bukas ukol sa vaccination program ng pamahalaan.

Facebook Comments