Overseas voting sa Afghanistan at Ukraine, posibleng suspindehin

Pinag-aaralan ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibilidad na suspindihin ang Overseas Absentee Voting o kaya’y magdeklara ng failure of elections sa Afghanistan at Ukraine.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni COMELEC Dir. Sinoa Bea Wee-Lozada na sa Afghanistan ay mayroong mandatory repatriation.

Samantala, sa Ukraine ay mayroon ding nagpapatuloy na repatriation dahil naman sa tensyon nito sa Russia.


Dito ay mayroong 15 registered voters at nasa hurisdiksyon ng Philippine embassy sa Warsaw.

Ito ang mga dahilan kaya hindi makaboto ang mga rehistradong Pilipinong botante.

Iniulat din ni Lozada sa komite na suspendido ang overseas voting sa Philippine embassy sa Baghdad, Iraq at Philippine embassy sa Tripoli na nakakasakop sa overseas voters sa Algeria, Chad, Tunisia, at Libya.

Dagdag pa rito ang Shanghai, China kung saan mataas naman ang mga kaso ng COVID-19 at mahigpit ang lockdown kaya hanggang sa ngayon ay wala pang Pilipino ang nakakaboto.

Facebook Comments