Oversight Committee, bubuoin ng Senado para mabantayan ang implementasyon ng RCEP

Bubuo ang Senado ng oversight committee para mabantayan ang implementasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) matapos katigan ng Mataas na Kapulungan ang ratipikasyon dito.

Ayon kay Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, ang lilikhaing oversight committee ay bilang tugon sa mga agam-agam ng mga stakeholder at mga tumututol sa RCEP.

Imo-monitor din dito ang mga support program ng mga ahensya ng gobyerno para sa micro-small and medium enterprises (MSMEs) at agriculture sector upang maalalayan sa gitna ng pagpapatupad ng free trade agreement.


Tiniyak din ni Legarda na ang mga rekomendasyon na isinumite ng mga oppositor ng RCEP ay nakapaloob sa resolutory clauses ng resolution.

Binigyang diin ng senadora na mayroong inilatag na support programs ang pamahalaan na pabor sa mga magsasaka at mga mangingisda gayundin ng mga programa para sa mga indigenous people, mga kababaihan at iba pang marginalized sector.

Tiniyak naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang ‘full commitment’ ng Ehekutibo para gumana o maging epektibo ang RCEP at ito ay magsisimula sa tagumpay ng implementasyon ng developmental programs ng iba’t ibang sektor lalo na ang agriculture sector.

Facebook Comments