Oversight committee, pinagco-convene para silipin ang universal health care law

Manila, Philippines – Hinimok ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang Congressional Oversight on Health na mag-convene na para silipin kung bakit hindi maipatupad ang Universal Health Care (UHC) Law at alamin din ang kalagayan sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Dismayado si Salceda sa aniya’y “partial” Universal Health Care (UHC) matapos na aminin ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi mangyayari ang “full implementation” ng batas dahil sa kawalan ng mapagkukunang pondo at sa halip ay pumili lamang muna ng mga lugar na magsisilbing model para sa unang taong implementasyon nito.

Babala ni Salceda sa Department of Health (DOH) at sa PhilHealth, “shape up” o “ship-out” dahil sa pagpalya sa pagbibigay ng mas magandang health care services sa mga Pilipino.


Dapat ay kumilos ang dalawang ahensya o kung hindi ay mag-alsa balutan na ang mga ito kung hindi magagawan ng paraan ang ipinangakong pakinabang sa UHC para sa libu-libong mahihirap na mga Pilipino.

Giit ng kongresista, malinaw na kawalan ng ‘commitment’ ang kawalan ng kakayahan ng ahensya na makapag-roll out ng UHC at palusot na lamang ang problema na kulang ang budget.

Sa kabila nito, siniguro naman ni House Majority Floor leader Martin Romualdez na gumagawa ng paraan ang Kamara para tugunan ang kawalan ng pondo upang tuluyan na maipatupad ang UHC law.

Posible namang hugutin ang pondo para dito sa mga ipinasang additional excise taxes sa alak, sigarilyo at vapor products.

Facebook Comments