Pinakikilos ni Senator JV Ejercito ang oversight committee para silipin ang implementasyon ng Sugarcane Industry Development Act (SIDA) at ng Anti-Agricultural Smuggling Act matapos na madismaya sa sobrang pagiging dependent ng bansa sa importasyon.
Ayon kay Ejercito, na siyang may-akda ng SIDA, dapat na buhayin at maging aktibo muli ang oversight functions ng Senado upang mabantayan ang mga nabanggit na batas at matiyak na ito ay kaisa sa direktiba ng pangulo na magkaroon ng sapat na pagkain sa bansa.
Sobrang dismayado ang senador dahil nasayang ang anim na taon matapos na pagtibayin ang dalawang batas na kung naipatupad lamang sana ay posibleng nakamit na ang kasapatan sa sugar industry pero hanggang ngayon ay nag-i-import pa rin ang bansa ng asukal.
Tinukoy ni Ejercito na ang SIDA ay dapat na magpapasigla at magmomodernisa sa local sugar farming industry ngunit dahil sa ‘underutilization’ ay binawasan ang ₱2 billion na taunang alokasyon para rito.
Sinabi pa ng senador na kung pinatupad rin ang batas ay posibleng nabawasan na ang smuggling pero mukhang nawili ang Sugar Regulatory Administration (SRA) at ang Department of Agriculture (DA) sa importasyon kaya naging ‘irrelevant’ o nawalan ng silbi ang batas.