Umapela muli si dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa Kongreso na gamitin ang oversight power nito sa hindi nagamit na pondo na inilaan para sa ayuda sa mga maliliit na negosyo sa ilalim ng Bayanihan 2.
Kasunod na rin ito ng pagpapaubaya ni Acting Budget Secretary Tina Rose Marie Canda sa mga mambabatas patungkol sa pagbubukas ng imbestigasyon sa nasabing isyu.
Sa report ng Commission on Audit (COA), lumabas na mayroong P4.99 billion na hindi nagamit na pondo para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises o CARES program ng Small Business Corporation (SB Corp.)
Tinukoy dito na ang SB Corp. ay gumamit lamang ng P4.09 billion o 45.04% ng kabuuang budget na P9.08 billion kung saan ang mahigit sa kalahating porsyento ng pondo ay ibinalik sa General Fund ng gobyerno.
Giit ni Cayetano, sa halip na hayaang hindi magamit ang pera, maaaring pumasok ang Kongreso para i-reprogram ang pondo para magamit sa mga programang pang-ayuda.
Una nang inihain ng kongresista ang resolusyon na nananawagan para imbestigahan ang paggamit sa Bayanihan Funds.