Tiniyak ni House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga na sisilipin ng komite ang napaulat na pagtaas ng imports ng poultry products sa merkado.
Nabahala ang mambabatas sa ‘open letter’ ng United Broiler Raisers Association (UBRA) sa Department of Agriculture (DA) dahil sa mga problemang kinahaharap ng industriya sa pagdagsa ng imported poultry products gayong problema pala ang oversupply ng poultry sa bansa.
Naalarma rin ang kongresista sa pahayag ng DA-Bureau of Animal Industry na limitahan at i-regulate ang poultry local production para bigyang daan ang mga import.
Iginiit ng mambabatas na mas pinoprotektahan dapat ng ahensya ang mga local producers at manufacturers upang palaging matiyak na abot-kaya, available at sapat ang suplay ng agricultural food products ng bansa.
Dahil dito, pinarereview ni Enverga ang importation policies at tariff system gayundin ang pagpapaigting ng proteksyon at regulasyon laban sa unfair trade practices.