Iginiit ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Representative France Castro na dapat bayaran ang overtime work ng mga guro dahil sa kasalukuyang school calendar.
Bunsod kasi ng COVID-19 pandemic ay inamyendahan ng Department of Education (DepEd) ang school year kung saan may dagdag na 77 working days ang mga guro mula sa 220 na araw ng mga pasok sa isang taon.
Ayon kay Castro, dahil dito ay maoobliga ang mga guro na magtrabaho ng mahigit isang taon na wala man lang summer break o bakasyon.
Bukod dito, wala ring sick o vacation leave benefits ang mga guro hindi tulad ng ibang empleyado na nasa pampubliko o pribadong sektor.
Kinalampag naman ng kongresista ang ahensya na linawin ang mga pribilehiyo ng mga guro sa ilalim ng Proportional Vacation Pay para sa school year 2020-2021 at pinaglalabas din ang DepEd ng memorandum para sa implementasyon nito.