Hindi maaaring mabigyan ng overtime pay ang mga guro na nagtrabaho nang lampas sa itinakdang oras noong Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Ito ang nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) bilang tugon sa apela ng mga guro na bayaran ang kanilang trabaho na lagpas sa 24-oras.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bagama’t nais ng Comelec na ibigay ang nasabing kahilingan ay wala silang magagawa.
Mayroon kasi aniyang joint circular ang Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM) na nagtatakda na mga kawani lamang ng ahensiya ang maaaring mag-claim ng overtime pay.
Ang mga guro aniya na nagsilbi bilang miyembro ng electoral board ay hindi kawani ng Comelec.
Paglilinaw pa ni Garcia, hindi kasama sa budget na ipinagkaloob sa Comelec ang pondo para sa overtime ng mga guro.