Aalisin ng House of Representatives ang ₱650 million na kabuuang confidential and intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Inihayag ito ni Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co matapos magpasya ang liderato ng Kamara na tanggalan ng confidential at intelligence funds sa ilalm ng 2024 budget ang mga ahensya at departamento na walang direktang kinalaman sa pagbibigay ng proteksyon at kaligtasan ng bansa.
Kaisa sa naturang hakbang ang iba’t ibang partido politikal sa Kamara na na naglabas pa ng joint statement na nagsasaad na ang marapat lang bigyan ng confidential and intelligence funds ay ang ahensyang makatutugon sa tension sa West Philippine Sea.
Halimbawa nito ang National Intelligence Coordinating Agency, National Security Council, Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sabi ni Co, sa ngayon ay ang OVP at DepEd pa lang ang natutukoy nilang tanggalan ng confidential and intelligence funds at naghahangap pa sila ng iba.