
Wala pang limang minuto ay nakalusot na sa plenaryo ng Senado ang ₱889 million na 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Personal na nagtungo at humarap sa plenaryo ng Senado si Vice President Sara Duterte.
Mas mataas ng P156 million ang ibinigay na budget para sa OVP dito sa Senado kumpara sa ₱733 million na House version.
Bago maaprubahan ang OVP budget ay nag-manifest si Senator Robin Padilla ng pasasalamat sa Senado at sa mga kapwa mambabatas dahil hindi binawasan ang budget ng bise presidente sa susunod na taon at sa halip ay dinagdagan pa.
Nagpasalamat din si Padilla na hindi nagmula sa Mataas na Kapulungan ang panggigipit kay VP Sara.
Samantala, sa wala pang isang minuto na presscon ni VP Sara ay pinasalamatan niya ang Senado sa mabilis na pag-apruba ng OVP 2026 budget.
Binati niya rin ng Maligayang Pasko at Bagong Taon ang Senate media at nag-wish ng “good health” para sa lahat sa 2026.
Tumanggi naman si VP Duterte na mag-react o sagutin ang mga isyu tulad sa mga inilabas na video ni dating Cong. Zaldy Co at ang pahayag niya na handa siyang maging susunod na pangulo.









