OVP, hindi na hihingi ng confidential fund sa 2024

Hindi na ipipilit pa ng Office of the Vice President (OVP) ang pagkakaroon o paghingi ng confidential fund sa 2024.

Ito ang kinumpirma ni Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ni Senate Committee on Finance Chair Senator Sonny Angara matapos na tanungin tungkol dito ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa gitna ng deliberasyon sa kanilang budget sa plenaryo.

Ayon kay Angara, na siyang nagdepensa ng 2024 budget ng OVP, hindi na igigiit ng tanggapan ng bise presidente ang hirit na P500 million na confidential fund dahil ito ay magdudulot lamang ng pagkakahati-hati sa bansa.


Maliban aniya rito, bilang vice president ay may sinumpaan si Duterte sa mga Pilipino na pananatilihing mapayapa at matatag ang bansa.

Dagdag pa ni Angara, ayon na rin sa OVP ay magpapanukala lamang sila ng pondo para suportahan ang ligtas na pagpapatupad sa kanilang mga programa, aktibidad at mga proyekto na naglalayong iangat sa kahirapan at isulong ang pangkalahatang kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.

Wala pang isang oras ay mabilis ding nakalusot sa plenaryo ng Senado ang P1.874 billion na pondo ng OVP sa susunod na taon.

Facebook Comments