OVP, hindi totoong naglabas ng confidential funds para sa youth summit noong 2023

Lumabas sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na tila ginamit lang ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte ang sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang rason sa paggamit nito ng confidential funds.

Base sa hearing, nakapaloob ang mga sertipikasyon mula sa AFP sa liquidation report na isinumite ng DepEd sa Commission on Audit (COA) para sa P15 million na confidential funds.

Ayon kina retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., Colonel Manaros Boransing at Colonel Magtangol Panopio ang sertipikasyon ay kaugnay ng Youth Leadership Summits na ipinatupad noong 2023 pero wala silang natanggap na pondo.


Kinumpirma ito ni dating DepEd Undersecretary at retired Gen. Nolasco Mempin sa pagsasabing inatasan siya noon ng office ng DepEd secretary na humingi ng certification sa AFP para makita ang kinahinatnan ng kolaborasyon ng iba’t ibang stakeholders, kasama ang DepEd, para sa mga kabataan pero wala itong kinalaman sa paggastos ng pondo.

Bunsod nito ay palaisipan kay Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro kung saan napunta ang P15 million na bahagi ng P75 milyong confidential fund na kasama sa notice of disallowance ng COA dahil sa kakulangan ng mga dokumento na makapagpapatunay sa ginawang paggastos dito.

Facebook Comments