Nanindigan ang Office of the Vice President (OVP) na nakipag-coordinate sila sa Department of Education (DepEd) para sa pagtatayo ng community learning hubs para sa mga estudyante bilang suporta sa kanilang mga klase ngayong COVID-19 pandemic.
Ito ang sagot ng OVP sa pahayag ni Education Secretary Leonor Briones na hindi inaprubahan ng DepEd ang learning hubs.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo, ang learning hubs ng OVP ay nakipag-coordinate sa DepEd sa national at local levels.
Giit ni Gutierrez, sinabi pa ni Briones sa tanggapan na isa itong magandang inisyatibo at humihingi ng karagdagang detalye para ma-evaluate ang feasibility sa pagpapatupad ng program.
Hanggang sa ngayon, sinabi ni Gutierrez ay hindi naghayag ng pagkontra ang DepEd sa inisyatibong ito.
Handa na rin ang OVP para sa anumang coordination para dito.
Malinaw aniya na nakipag-ugnayan sila sa DepEd na ang learning hubs ay hindi itinuturing na classroom o face-to-face instruction sites.
Ang OVP at private partners ay nakapagtayo na ng 11 learning hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagsisilbi itong alternative learning spaces para sa mga estudyante na walang access sa mga gadgets at nahihirapan sa mga modules na kailangan sa distance learning.