Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na malabong mabigyan ng zero budget ang Office of the Vice President (OVP).
Ito’y matapos ipagpaliban ng Kamara ang pag-apruba sa pondo ng OVP sa susunod na taon matapos na tumangging dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng 2025 national budget sa Kamara.
Ayon kay Gatchalian, malabong bigyan ng zero budget ng Kamara ang OVP tulad ng kanilang naunang banta.
Aniya, may mga empleyado ang OVP na kailangang sumweldo at tumanggap ng benepisyo.
Maging ang bise presidente aniya ay may karapatan din sa salary sa kanyang tanggapan dahil lahat naman ay nagtatrabaho sa gobyerno.
Samantala, kung si Senator Joel Villanueva naman ang tatanungin, iginagalang niya ang desisyon ng mga kongresista sa budget ng OVP.
Pero aniya, bilang miyembro ng Kongreso ay hindi nila dapat i-zero ang pondo ng tanggapan ng pangalawang pangulo.
Kung meron mang kwestyunable sa paggugol ng pondo ng OVP ay maaari namang maghain ng resolusyon para paimbestigahan ito.