Marami pa sana ang magagawa at maitutulong ng Office of the Vice President (OVP) lalo na sa COVID-19 response programs kung mayroon lamang silang access sa 375 na contractual workers na kaparehas sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) noong nakaraang taon.
Nabatid na pinuna ng Commission on Audit (COA) ang malawak at unrestricted na hiring ng contractual workers ng PCOO na nagresulta ng ‘unnecessary expense’ na nasa 71 million pesos.
Batay sa 2020 annual audit report, sinabi ng COA na tumanggap ang PCOO ng 375 contractual personnel na 260-percent na mas mataas kumpara sa bilang ng kanilang regular personnel.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na malaking bagay ang higit 300 manggagawa sa anumang tanggapan.
Kumpara sa OVP, mayroon lamang silang 21 contractual workers at 64 na may contract of service.
Aaabot lamang aniya sa 160 ang kanilang regular employees.
Dagdag pa ni Robredo, dumami lamang ang kanilang manggagawa dahil sa pandemya at kailangan nilang mag-hire ng higt 70 contract workers para sa serbisyong ibibigay sa mga tao tulad ng ambulance, emergency medical services personnel, Bayanihan E-Konsulta at iba pa.
Aabot naman sa isa hanggang dalawang tao ang nakatalaga sa kanilang social media pages habang mayroon silang dalawang videographers na naka-assign para i-cover ang kanilang mga proyekto sa buong bansa.