OVP, muling nakakuha ng pinakamataas na audit rating mula COA

Sa ikalawang pagkakataon, nakakuha ng pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit (COA) ang Office of the Vice President (OVP).

Sa report ng COA para sa Fiscal Year 2019, nakatanggap ng “unqualified opinion” rating ang OVP na nangangahulugang maayos na naiprisinta ng tanggapan ang mga nagastos nito sa nakalipas na taon.

Nakasaad din sa ulat na nagawang sundin ng OVP ang 26 mula sa 29 na rekomendasyon nila sa 2018 audit report.


Pinuna naman ng state auditors ang halos hindi nagamit na pondo ng OVP para sa kanilang medical assistance program.

Pero paliwanag ni Vice President Leni Robredo, hindi nila na-maximize ang paggamit ng pondo dahil ipinagbabawal ang paggasta sa panahon ng eleksyon.

“Dahil election year siya, bawal gumastos. ‘Yung buong time ng kampanya, so ilang buwan din yun, bawal kami magbigay ng medical assistance, so nahinto,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.

Kasabay nito, hinimok ng pangalawang pangulo ang iba pang tanggapan ng gobyerno na gawing target ang “unqualified opinion” rating mula sa COA na aniya’y katumbas ng tapat na serbisyo publiko.

“Dapat iyong lahat na government offices, ina-aspire ito para pinagtatrabahuan. Kasi kapag ina-aspire mo na magkaroon ka ng unqualified opinion, sinisiguro mo na iyong lahat na proseso mo malinis, hindi ka nalulusutan, maayos lahat iyong papeles, maayos lahat ang proseso,” ani Robredo.

Samantala, bukod sa OVP, nabigyan din ng parehong rating ang Energy Regulatory Commission na nasa ilalim ng Department of Energy at ang Insurance Commission na sangay ng Department of Finance.

Facebook Comments