Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na kailangan na nitong magkaroon ng sarili at permanenteng opisina.
Kasunod ito ng inihain na resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mabigyan ng permanenteng lugar ang tanggapan.
Ayon kay Atty. Reynolds Munsayac, spokesperson ni Vice President Sara Duterte-Carpio, naghahanap na sila ng maaaring lokasyon ng pagtatayuan ng OVP.
Ngunit hindi umano ito kasama sa budget ng OVP sa 2023 dahil ikokonsidera pa nila ang magiging lokasyon at istruktura bago sila humingi ng pondo sa Kongreso.
Batid din umano ng OVP na kailangan ngayon ng pondo para sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya subalit nararapat din daw na mabigyan na ng sarili at permanenteng tanggapan.
Dagdag pa ni Munsayac, mas malaki ang matitipid ng pamahalaan kung may sariling opisina ang OVP at maaari pa itong magamit sa ibang proyekto ng bansa.