Nagpadala ang Office of the Vice President (OVP) ng dalawang teams na magsasagawa ng relief operations sa mga apektadong pamilya sa mga lugar na binaha dahil sa Bagyong Vicky sa Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iniulat ni Vice President Leni Robredo na ang unang team ay nakarating sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur habang ang ikalawang team ay naghatid ng tulong sa mga residente sa Bislig, Surigao del Sur.
Ang tatlong barangay – ang Cabawan, Novili, at Libuac ay hindi maabot dahil sa mataas na baha.
Nagkaroon naman ng landslides sa tatlong iba pang barangay habang mayroong siyam na barangay ang matinding tinamaan ng bagyo sa bayan ng Rosario.
Sinabi ni Robredo na naghahanap sila ng suppliers ng relief packs para maipamahagi sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.