Tiniyak ng Office of the Vice President (OVP) na gagamitin nila sa tama ang hinihingi nilang confidential funds sa Kongreso.
Sa joint press conference ng OVP at Department of Education (DepEd), sinabi ni OVP Spokesperson Atty. Reynold Munsayac na gagamitin nila ang pondo sa parameters na itinakda ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA).
Magiging transparent umano sila sa paggastos nito kung saan paglalaanan ang livelihood projects sa mga conflict areas sa bansa at iba pang proyekto ng OVP.
Sa isinumite na panukalang budget, aabot sa P500 million ang confidential funds para sa OVP.
Maliban dito, nakasaad din sa 2023 National Expenditure Program na isinumite sa Kongreso na aabot sa P2.29 billion ang budget appropriation ng tanggapan ng bise presidente.
Mas malaki ito ng 200 percent kumpara sa kasalukuyang pondo na P702 million.