Ownership ng pamilya Lopez sa ABS-CBN, napanatili kahit noong martial law

Kinumpirma ni dating Senador Juan Ponce Enrile na hindi nawala sa pamilya Lopez ang ownership ng ABS-CBN kahit ito ay kinuha ng Marcos government noong martial law.

Nabatid na sinabi ni ABS-CBN Vice Chairperson Augusto Almeda-Lopez na inagaw ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos ang network mula sa pamilya Lopez.

Sa House joint panel hearing para sa ABS-CBN franchise issue, binigyang linaw ni Enrile ang nangyari sa network noong panahon ng batas militar.


Ayon kay Enrile, nang ideklara ang martial law noong Setyembre 1972, isang kautusan ang inisyu para i-sequester o kunin ang lahat ng istasyon ng telebisyon at radyo, maging ang communication facilities sa bansa para walang magiging reaksyon o oposisyon sa deklarasyon.

Ang lahat ng pasilidad ng ABS-CBN broadcasting complex ay inilagay sa kontrol ng pamahalaan, pero ang titulo nito ay hindi kinuha mula sa mga may-ari nito.

Dagdag pa ni Enrile, muling binuksan noon ang ABS-CBN para gamitin ng Marcos government sa paghahatid ng balita at impormasyon sa bansa.

Pero iginiit ni Almeda-Lopez na hindi ibinalik ng gobyerno ang ABS-CBN kahit natapos ang EDSA Revolution noong 1986.

Una nang sinabi ni Atty. Arecio Rendor, legal counsel ng ABS-CBN, na hindi nawala sa pamilya Lopez ang ownership ng network at broadcast facilities nito noong Martial Law era.

Ang tanging kinuha sa network ay ang “mere possession” ng lahat ng kanilang real estate at broadcast equipment at karapatang gamitin ang mga pasilidad nito.

Facebook Comments