OWWA, aminadong bumaba ang bilang ng OFWs na nananatili ngayon sa quarantine facilities

Malaki ang naging pagbaba sa bilang ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nananatili sa quarantine facilities, simula nang ipatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang updated guidelines para sa arriving passengers, alinsunod sa vaccination status ng mga ito.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na nasa 1,582 OFWs na lamang ang nananatili ngayon sa 51 quarantine facility.

Malaking pagbaba aniya ang bilang na ito kumpara sa higit 7,000 noong nakaraang dalawang linggo.


Noong kasagsagan aniya ng Omicron variant at nagkaroon pa ng pagkaantala sa mga biyahe dahil sa Bagyong Odette, pumalo pa sa 14,000 ang OFWs na nananatili sa quarantine facilities.

Ayon kay Cacdac, mula nang alisin ang quarantine requirement para sa mga fully vaccinated nitong February 1, nasa 20,000 OFWs ang ang naasistehan ng pamahalaan at napauwi sa kanilang mga tahanan.

Facebook Comments