Dumipensa si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson sa mga batikos sa kanya kaugnay ng umano’y pagsuway niya sa protocol ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) nang bisitahin niya ang mga OFW na nasa quarantine facilities sa Matabungkay, Batangas.
Sa kanyang Facebook page, nilinaw ni Uson ang umano’y mga mapanlinlang na alegasyon laban sa kanya.
Sinabi niya, hindi siya nagkulang sa paalala sa mga OFW kaugnay ng physical distancing at iba pang protocol habang nasa quarantine facilities.
Pinayuhan din daw niya ang mga ito na huwag magtungo sa tabing dagat dahil sa takot ng mga residenteng malapit sa resort na maaaring isa sa kanila ay may dalang virus.
Ang pagtungo daw niya doon ay bilang bahagi ng kanyang tungkulin na alamin ang kalagayan ng mga umuwing OFW.
Nagbigay din siya ng moral support para palakasin ang kalooban ng mga umuwing manggagawa lalo pa ang karamihan sa mga ito ay dumadaan sa depression.
Sa huli, umapela si Uson sa kanyang mga kritiko na alamin muna ang tunay na kwento bago siya banatan sa social media.