OWWA Deputy Administrator Mocha Uson, nagpunta sa NBI para magpaliwanag sa reklamo laban sa kanya

Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson para magbigay ng kanyang panig hinggil sa reklamo laban sa kanya sa pagpapakalat daw ng fake news.

Ipinaliwanag ni Uson na “honest mistake” ang kanyang nai-post sa social media hinggil sa mga Personal Protective Equipment (PPE) na binili raw ng Department of Health (DOH) pero ito pala ay donasyon ng isang pribadong kumpanya.

Pero nilinaw ni Uson na ang intensyon lamang niya ay malaman ng publiko na hindi pinababayaan ng pamahalaan ang health workers at frontliners sa kasagsagan ng giyera sa COVID-19.


Sinabi ni Uson na nai-share niya sa social media ang aniya’y good news at may nagamit daw siyang larawan na mula sa isang mainstream media (Philippine Star).

Gayunman, nagkamali rin daw ang naturang print media sa larawan.

Aminado si Uson na nagkamali rin siya sa paggamit ng naturang larawan kaya agad siyang humingi ng dispensa.

Una nang naglabas ng subpoena ang NBI laban kay Uson hinggil sa nasabing reklamo.

Facebook Comments