OWWA handang umasiste sa mga maaapektuhang OFWs ng flight ban sa Hong Kong

Mahigpit na naka-monitor ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hinggil sa pinapairal na flight ban ng Hong Kong kung saan kasama dito ang Pilipinas bunsod ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 partikular na ang Omicron variant.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na nakahanda silang umalalay sa mga posibleng maapektuhan ng ban.

Ani ni Cacdac, base sa mga nakalipas na karanasan, nakikipag-ugnayan naman ang mga recruitment agencies sa pamahalaan upang maiwasan ang pagka-stranded ng mga OFWs sa airport.


Pero sa kaso ng balik manggagawa o yung walang recruitment agency arrangement o kusang-loob na nanunumbalik sa kanilang employers, sila ay tinutulungan ng OWWA.

Aniya, kung walang matutuluyan sa Maynila ang OFW, sila ay bibigyan ng food and accommodation assistance ng pamahalaan.

Maliban pa ito sa transportation assistance kung saan ihahatid ito mismo sa kanyang probinsya.

Ang nasabing flight ban ng Hong Kong ay iiral hanggang January 21, 2022.

Bukod sa Pilipinas sakop din ng two-week ban ang passenger flights mula Australia, Canada, France, India, Pakistan, Britain at Estados Unidos.

Facebook Comments