Humirit ng P7.5 billion na pondo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa kanilang 2021 budget.
Sa virtual hearing ng Committee on Overseas Workers Affairs ng Kamara, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ito ang kakailanganing pondo para sa mga OFWs.
Ayon kay Cacdac, sa P7.5 billion, P6.4 billion dito ay ilalaan sa hotel accommodation, food at transport ng mga overseas workers.
Aniya, inaasahang nasa 300,000 hanggang 500,000 OFWs ang uuwi sa bansa hanggang sa susunod na taon.
Dapat aniyang mapaghandaan ang worst-case scenario kung saan hangga’t walang bakuna sa COVID-19 ay tatagal pa ang krisis mula June hanggang December 2020 at sa buong taon ng 2021.
Umapela naman si Vice Chairman Enrico Pineda na pagplanuhan din ng OWWA ang pagbibigay ng trabaho sa libu-libong uuwing OFWs sa bansa.
Inirekomenda nito sa OWWA ang paghingi ng tulong sa gobyerno at private sector para mabigyan ng kabuhayan ang mga OFWs.
Napuna naman ni Chairman Raymond Mendoza na sa laki ng pondong hinihingi ng OWWA ay wala ditong livelihood component para sa mga OFWs.