Walang natatanggap ng karagdagang budget ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hinihingi nito mula sa national government na gagamitin sa kanilang operasyon sa harap ng pandemya.
Ang OWWA ang in-charge sa accommodation at transportation ng returning OFWs mula nang magkaroon ng COVID-19 outbreak sa bansa noong nakaraang taon.
Ang OWWA ang nagbabayad sa mga hotel at accommodation establishments na tinutuluyan ng mga OFWs na sumasailalim sa quarantine.
Aabot sa 11 hanggang 12 bilyong piso ang ginagastos ng OWWA para dito.
Pero ayon kay OWWA Administration Hans Leo Cacdac, kakayanin pa ng ahensya na maka-survive gamit ang kasalukuyan nilang budget hanggang katapusan ng Mayo.
Kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM).
Gustong aniyang tiyakin ng DBM kung magkano na ang nagastos at tinatayang gagastusin hanggang sa katapusan ng taon.
Sakaling walang matanggap na karagdagang budget ang OWWA, sinabi ni Cacdac na wala na silang maipambabayad para sa transport at accommodations ng mga OFW.
Nasa ₱9.8 billion ang hinihinging supplemental budget ng OWWA sa DBM.