
Muling nagpaalala ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa publiko, lalo na sa Overseas Filipino Worker (OFWs), na nanatiling ipinatutupad ang deployment ban sa Myanmar.
Ang paalala ay kasunod ng abiso ng Philippine Embassy sa Myanmar sa harap ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nabibiktima ng human trafficking at illegal recruitment schemes sa naturang bansa.
Ayon sa OWWA, karamihan sa mga biktima ay na-recruit para magtrabaho bilang Customer Service Representatives, pero kalaunan ay napupunta sa mga “scam hubs” o illegal online operations na kadalasang sangkot sa cyber fraud activities.
Pinaalalahanan ng OWWA ang publiko na iwasan ang mga alok ng trabaho sa Myanmar o karatig-bansa kung hindi ito aprubado ng Department of Migrant Workers (DMW) o hindi dumadaan sa legal recruitment agencies.
Huwag din basta-basta magpadala ng personal information, passport, o pera sa mga nag-aalok ng trabaho online.









