OWWA, nilinaw ang kontrobersyal na insidente sa OFW lounge sa NAIA TERMINAL 3

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaugnay ng umiikot na isyu sa Overseas Filipino Worker Lounge sa NAIA Terminal 3 na kinasasangkutan ng isang OFW na dumating mula Dubai.

Ayon sa ahensya, batay sa mga sinuring CCTV footage, incident report, at salaysay ng mga tauhan, napatunayang nakapasok umano ang OFW sa lounge at nabigyan ng assistance sa registration at mga bagahe nito.

Bagama’t walang connecting domestic flight ang pasahero dahil dadaan pa ito sa land and sea travel patungong Romblon, pinayagan pa rin itong makapasok at binigyan ng pagkain at inumin bilang tulong.

Nilinaw ng OWWA na ang OFW Airport Lounge ay matatagpuan sa departure area at pangunahing inilaan para sa mga OFW na may departing o connecting flight.

Para naman sa mga dumarating na distressed OFW na nangangailangan ng arrival assistance, transportasyon, pagkain, o pansamantalang matutuluyan, may hiwalay na OWWA Airport Arrival Assistance Desk sa arrival area pagkatapos ng Customs sa NAIA Terminals 1 at 3.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng ahensya upang makuha ang buong katotohanan.

Nangako ang OWWA na aayusin ang anumang pagkukulang at ilalabas ang mga beripikadong impormasyon sa sandaling matapos ang pagsusuri.

Facebook Comments