OWWA, pinayuhan ang mga OFW na ipagpaliban muna ang planong pag-uwi sa Pilipinas

Pinayuhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga overseas Filipino worker (OFW) na ipagpaliban muna ang planong pag-uwi sa Pilipinas.

Kasunod ito ng rekomendasyon ng National Task Force Againts COVID-19 kay Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 1,500 ang bilang ng mga OFW na papayagang makapasok sa bansa kada araw para maiwasan ang lalong pagkalat COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, pinayuhan ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac ang mga OFW na hintaying gumaan muna ang sitwasyon bago umuwi.


Kung tapos na ang kontrata, maaari naman aniyang manatili sa mga Bahay Kalinga o kaya’y manuluyan muna sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak sa kinaroroonan nilang bansa.

“Yung mga pwede pang ipagpaliban ang pagbiyahe pauwi ay ipagpaliban po muna. Baka pwedeng ilagay sa tamang panahon yung pagpapauwi para mas komportable o mas magaan na ang sitwasyon,” ani Cacdac.

“Meron tayong mga shelter lalo na dito sa Saudi at sa Kuwait. Ang pananatili naman po dun ay monitor naman po natin, syempre hindi naman marangya ang kalagayan doon sa shelter, simple lang at supisyente [sufficient] sa tingin ko para sa paninirahan at pagpapakain,” dagdag niya.

Sa ngayon, umaabot sa 2,000 hanggang 3,000 OFWs ang umuuwi sa bansa kada araw.

Facebook Comments