OWWA Region 2, Bibigyan ng Tulong ang Isabelinong OFW na Tinorture sa Abu Dhabi, UAE!

*Cauayan City, Isabela- *Bukod sa mga tulong na ibinigay ng DOLE at Pamahalaang Panlalawigan ay namigay rin ng tulong pinansyal ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 sa isang OFW na si ginang Merly Rivera na tinorture ng amo sa Abu Dhabi, UAE.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni ginang Luzviminda Tumaliuan, ang Officer in Charge ng OWWA Region 2 kung saan nabigyan na umano ng tulong pinansyal, libreng check-up at medical certificate si ginang Merly, Scholarship para sa kanyang isang anak at transportation allowance na tulong naman ng DSWD Region 2.

Napag-alaman rin ng mga otoridad base sa medical result ni ginang Merly na may mga nakitang kagat ng ngipin, scratches, laceration, multiple physical injuries sa kanyang katawan at nagtamo rin ng 2nd degree burn sa kanyang mga kamay at mukha.


Nabulag din ang dalawa nitong mata subalit base rin umano sa kanyang medical record ay may posibilidad pang makakita ang kanyang isang mata.

Payo naman ni ginang Tumaliuan sa mga nagbabalak na mag-abroad na mag-iwan ng kumpletong dokumento sa pamilya upang kung magkaroon man umano ng problema sa employer ay mayroong tatawagan o hihingian ng tulong ang pamilya.

Sa ngayon ay inaasikaso na ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA ang Agency ni ginang Merly na ngayon ay nasuspendido hinggil sa kanyang sinapit na kalagayan.

Facebook Comments