Nanawagan sa publiko ang tanggapan ng OWWA Regional Welfare Office 1 kaugnay sa sulat na lumabas sa social media na huwag ipakalat ang naturang sulat dahil hindi umano ito para sa publiko.
Sa inilabas na pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration Regional Office 1, sinabing ang sulat na patuloy na kumakalat online ay para hingin ang tulong ng departamentong nangangasiwa ng RT-PCR na magsagawa ng test sa ilang empleyado ng OWWA RWO1 at ng ilang kasabay na OFW dahil sa pagkakaroon ng exposure ng mga ito sa umuwing OFW na isang positive recovered sa COVID-19.
Binigyang diin naman ng tanggapan ng OWWA RO1 na huwag maalarma sa naturang sulat dahil nagawan na ng paraan at aksyon ng Kagawaran ng Kalusugan sa Rehiyon 1 o DOH Region 1 ang umano’y paghingi ng tulong ng kagawaran.
Samantala, nagbigay naman ng babala ang OWWA RWO1 sa mga nagpapakalat ng naturang dokumento sa social media ay mapapatawan at maaaring managot sa batas sa ilalim ng RA 10173 o Data Privacy Act of 2012 kung saan nakiusap pa ang kagawaran na ipag-bigay alam sa opisina ang sinumang nagpapakalat nito.
Asahan pa umano ang mga serbisyo ng kagawaran na patuloy na maninilbihan sa mga OFW’s at manatiling ligtas sa lahat ng pagkakataon.