Kumpiyansa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mapapauwi nila sa kani-kanilang probinsya ang libu-libong Filipino migrant workers na na-stranded sa Metro Manila dahil sa COVID-19 crisis.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, tutulungan sila ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapauwi ng mga OFW.
Dagdag pa ni Cacdac, nasa siyam na sweeper flights ang naka-schedule para mapauwi ang mga OFW.
Mayroon ding limang barko ang itinalaga para maibiyahe ang mga repatriated OFW at may mga bus na nakahanda na ring maghatid sa mga ito na nasa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Maaari rin sunduin ng pamilya ang kanilang kaanak na OFW kung mayroon silang pribadong sasakyan o nakatira malapit sa Metro Manila.
Paglilinaw ng OWWA, ang mga OFW na may test result certificate mula sa Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine (BOQ) ang papayagang makauwi.
Nabatid na tinaningan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang kaukulang ahensya ng hanggang isang linggo para mapauwi ang nasa 24,000 migrant workers na stranded sa Metro Manila.