Tuloy-tuloy ang ginagawang pagkumbinse ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Filipino sa Ukraine na umuwi na sa Pilipinas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac na mayroon pa rin kasing ilang mga Pinoy sa Ukraine ang ayaw umuwi ng bansa at mas ninanais na manatili roon.
Ito ay kahit na itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 4 ang sitwasyon ngayon sa Ukraine dahil sa tensyon sa pagitan ng Russia kung saan sapilitan na ang pagpapauwi sa ating mga kababayan.
Ani Cacdac, katuwang nila ang DFA sa pagkumbinse sa ating mga kababayan na magbalik na sa Pilipinas para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, apat na batches na ang napauwi o katumbas ng 49 na mga OFW at seafarers.
Asahan pa aniya ang susunod na batch ng mga Filipino repatriate.
Kasunod nito, tiniyak ni Cacdac na bibigyan ng financial, livelihood at scholarship programs ang mga kababayan nating magbabalik bansa mula Ukraine.