Posibleng magkaroon na sa buwan ng Setyembre ng available na bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Sarah Gilbert, Professor of Vaccinology sa Oxford University, inaasahan nilang sa Setyembre ay magiging available na ang bakuna.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng human testing sa nilikhang bakuna ng Oxford.
Nabatid na mahigit 1,000 katao ang participants sa trial.
Samantala, dito sa ating bansa, inihayag ni Food and Drug Administration (FDA) Chief Eric Domingo na nasa clinical trial na rin ang ilang gamot ng posibleng makatulong sa paggaling sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Domingo na kabilang sa pinag-aaralan ay ang epekto ng virgin coconut oil, tawa-tawa, hydroxychloroquine at ilan pang gamot.
Nilinaw naman ni Domingo na hindi rehistrado sa bansa ang Carrimycin tablet na umano’y nakatulong sa paggaling ni AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr.
Sinabi ni Domingo, ang naturang gamot ay hindi rin kabilang sa isinasailalim sa solidarity trial ng FDA para sa mga posibleng gamot kontra COVID-19.
Nabatid na kasama ang Carrimycin tablet sa listahan ng World Health Organization (WHO) ng mga traditional Chinese medicine na ginagamit sa paggamot ng COVID-19 at aprubado ng FDA ng Beijing.