Manila, Philippines – Plano ni Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido na mag-sumite ng Motion for Reconsideration para ang Regional Trial Court na lamang sa Cagayan ang humawak ng pagdinig hinggil sa isinampang kaso sa kanila sa Department of Justice.
Ayon kay Espenido, masyadong malayo para sa kanila ang Maynila kung saan natanggap na nila ang subpoena pero hindi naman sila nakatanggap ng Affidavit of Complaint kaya’t kinailangan pa nilang pumunta ng DOJ pero hindi sila nakapagsumite ng kontra salaysay.
Humingi na lamang si Espenido kay Prosecution Attorney Loverhette Jeffrey Villordon ng hanggang alas-2:00 ng hapon ng August 29 para makapagpasa ng counter-affidavit kaya’t kanselado muna ang nakatakdang pagdinig sa August 22.
Kasama ni Espenido sina Chief Insp. Glyndo Lagrimas, SPO4 Renato Martir Jr. at PO1 Sandra Louise Nadayag na inireklamo ng murder at arbitrary detention na isinampa laban sa kanila ni Carmelita Manzano.
Si Manzano ay kamag-anak ng isa sa mga napatay sa isinagawang police operation sa Ozamis City noong June 1.
Dahil dito, hihingi ng tulong si Espenido kay PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa hinggil sa pagharap ng kasong ibinibintang sa kanila.